Naghain ng panibagong petisyon sa Korte Suprema ang ilang abogado na humahamon sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte sa Kamara, at humihiling na maglabas ng temporary restraining order (TRO) o writ of preliminary injunction.

Sa 34-pahinang petisyon, hiniling nina Hue Jyro Go, Micah De Guzman, at Jake Leoncini sa Korte Suprema na pigilan ang pagpapatuloy ng ika-3 at ika-4 na impeachment complaints, kabilang ang paglalabas ng mga subpoena at iba pang hakbang ng Kamara kaugnay ng proseso.

Hiniling din nila na isantabi ang mga naging aksyon ng Kamara gaya ng pag-determina ng sufficiency in form at substance ng mga reklamo at pag-isyu ng subpoena, na ayon sa kanila ay lumalampas sa kapangyarihan ng lehislatura.

Ayon sa petisyon, ang patuloy na pagkuha ng ebidensya mula sa labas ng mga reklamo ay isang “fishing expedition” at hindi naaayon sa itinakdang proseso ng impeachment sa Konstitusyon.

Advertisement

Iginiit din ng mga petitioner na ang paghingi ng ilang taong SALN ay “overbroad” at walang malinaw na kaugnayan sa partikular na alegasyon sa mga reklamo.

Ayon pa sa kanila, ang kabuuang proseso ay nagpapakita umano ng “predisposition at case-building” na maaaring magresulta sa grave abuse of discretion.

Ito na ang ikaapat na petisyon na inihain sa Korte Suprema kaugnay ng impeachment proceedings laban kay Duterte. Nauna nang nagsampa ng hiwalay na petisyon ang kampo ng Bise Presidente, isang grupo ng mga abogado, at isa pang grupo ng lawyers at private citizens.

Inatasan na ng Korte Suprema ang Kamara at House Committee on Justice na magsumite ng kanilang komento sa mga petisyon.

Advertisement