Kinasuhan ang pitong kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) at dalawang pulis kaugnay ng isang insidente ng hazing sa loob ng akademya, ayon sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) ngayong Miyerkules, Abril 22.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, kabilang sa mga akusado ang limang third class cadets at dalawang second class cadets. Isinama rin sa reklamo ang isang police commissioned officer at isang police non-commissioned officer.
Nahaharap ang mga respondent sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018.
Nag-ugat ang kaso matapos masangkot sa hazing ang mahigit 20 fourth class cadets na nagtamo ng paso at iba pang pinsala noong Biyernes Santo, Abril 3. Ayon sa PNP, nalantad ang mga biktima sa pinaghalong drain cleaner at muriatic acid.
Tatlong suspek ang naaresto habang apat pa ang natukoy ng mga awtoridad para sa karagdagang imbestigasyon.
Kasunod ng insidente, inalis sa puwesto ang direktor ng PNPA at walong iba pang opisyal habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Sa paunang resulta ng pagsisiyasat, lumitaw na nagsimula ang hazing dahil sa internal na isyu na may kinalaman sa isang kadeteng nagbabalak magbitiw, kung saan pinanagot umano ang mga mas nakabababang kadete at pinatawan ng parusa.














