Nilinaw ng kampo ni Vice President Sara Duterte na ang umano’y kawalan ng cash on hand at bank deposits sa kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) mula 2019 ay dahil lamang sa paglalagay ng mga ito sa “others” category, at hindi umano sa hindi pagdedeklara ng yaman.
Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng depensa ni Sara Duterte, ang cash, bank deposits, at maging alahas ng Bise Presidente ay pinagsama o “lumped” sa ilalim ng “others” na bahagi ng personal properties sa kanyang SALN.
Ipinaliwanag ni Poa na walang intensyon na itago ang anumang ari-arian, at iginiit niyang ang mga ito ay deklarado pa rin ngunit pinagsama sa iisang linya ng ulat.
Lumabas ang usapin matapos sa pagdinig ng House justice committee kaugnay ng impeachment complaints, kung saan napansin na mula 2019 hanggang 2024 ay walang hiwalay na nakalistang cash on hand o bank deposits sa SALN ng Bise Presidente.
Ayon sa SALN custodian ng Office of the Ombudsman, batay sa mga isinumiteng dokumento, walang malinaw na nakatalang cash on hand o bank deposits sa mga nasabing taon.
Sa parehong pagdinig, lumabas na ang kabuuang net worth ni Duterte at ng kanyang asawa ay tumaas mula humigit-kumulang P55 milyon noong 2019 hanggang P88 milyon noong 2024.
Giit ng kampo ni Duterte, walang patakaran na nagbabawal sa pagsasama-sama ng magkakaparehong personal properties sa iisang kategorya, at nanindigan silang walang intensyon na magtago ng anumang ari-arian ang Bise Presidente.













