Tinukoy ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na isang pulis sa Negros Occidental ang umano’y nagsisilbing “protector” ng mga ilegal na operasyon na konektado sa fugitive businessman na si Atong Ang.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, tinanggal sa puwesto at isinailalim sa restrictive custody sa Camp Crame ang isang police major matapos ang raid sa isang illegal cigarette factory sa Bago City na umano’y pinoprotektahan nito.

Sa operasyon noong Abril 21, sampung Chinese nationals ang naaresto habang 15 manggagawa, kabilang ang isang menor de edad, ang nasagip mula sa lugar.

Ibinunyag ni Remulla na iisa umano ang may-ari ng illegal cigarette factory sa Bago City at ng e-sabong operation sa Talisay City, na kanyang tinawag na “single operation.”

Advertisement

“What’s complicated here, in our investigation, is that the owner of the illegal tobacco manufacturing in Bago City and the e-sabong operation in Talisay City is the same. It’s a single operation,” ani Remulla.

Dagdag pa niya, dating naiugnay ang naturang pulis bilang protector umano ng operasyon ni Atong Ang noong kasagsagan ng e-sabong noong 2021, ngunit nilinaw niyang wala pang matibay na ebidensiya na direktang sangkot si Ang.

“They were known as cohorts during the height of e-sabong days in 2021… Pero kung sabihin ko na si Atong Ang ang involved dito, I cannot say in conclusivity na kasama siya,” dagdag niya.

Ayon pa kay Remulla, ang pulis umano ay nagsilbing tagapagligtas ng operasyon laban sa mga pulis na nagsasagawa ng follow-up operations.

Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police sa posibleng ugnayan ng e-sabong operations sa Talisay City at ng CIDG operation sa Tondo, Manila.

Patuloy rin ang manhunt laban kay Atong Ang na may warrant of arrest kaugnay ng kasong kidnapping, homicide, at serious illegal detention sa pagkawala ng ilang “sabungeros.”

Tinatayang umabot na sa halos ₱4 bilyon ang halaga ng mga nakumpiskang ilegal na sigarilyo mula Disyembre 2025 hanggang Abril 2026 sa iba’t ibang operasyon sa bansa.

Advertisement