Itinalaga ng Billboard ang model-actress na si Cara Delevingne bilang presenter ng Global Force Award para sa P-pop girl group na BINI sa 2026 Billboard Women in Music.
Kinikilala ng taunang Billboard Women in Music ang mga kababaihan sa industriya ng musika na may malaking ambag at nagsisilbing inspirasyon sa susunod na henerasyon.
Pinarangalan ang BINI bilang Global Force honoree matapos ang kanilang makasaysayang pagtatanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival, kung saan sila ang kauna-unahang Filipino girl group na nakapag-perform.
Tatanggap din ng parehong Global Force recognition ang Canadian band na The Beaches, na igagawad naman ng Filipino-American singer at content creator na si Bella Poarch.
Kabilang sa mga magpe-present sa gabi ng parangal sina Brandi Carlile, Ciara, Coco Jones, Dionne Warwick, Eva Longoria, Victoria Monét, Kim Petras, Lainey Wilson, at Tyla.
Inaasahan din ang paggawad ni Longoria ng Icon Award sa Mexican singer-actress na si Thalía, na kilala sa kanyang “María Trilogy” kabilang ang María Mercedes, Marimar, at María la del Barrio.
Samantala, ang grupong Huntr/x—binubuo nina EJAE, Audrey Nuna, at Rei Ami—ang tatanggap ng pinakamataas na parangal na Woman of the Year.
Matatandaang si Sarah Geronimo ang tumanggap ng Global Force Award noong 2024, kung saan nagtapos siya ng kanyang talumpati sa wikang Filipino.














