Pormal na binigyang-pugay ng Kamara de Representantes ang Pinoy pop group na BINI matapos itong maging kauna-unahang Filipino pop group na nagtanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival.
Sa ilalim ng House Resolution No. 93, kinilala ng Kamara ang malaking ambag ng BINI sa pagpapalawak ng impluwensiya ng P-pop at Original Pilipino Music (OPM) sa international music scene. Ayon sa resolusyon, ipinapakita ng tagumpay ng grupo ang lumalakas na presensiya ng mga artistang Pilipino sa pandaigdigang entablado at nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataang nangangarap sa larangan ng musika at creative industries.
Ayon kay House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos III, sumasalamin sa talento at pagkamalikhain ng mga Pilipino ang tagumpay ng BINI, at nagsisilbi itong inspirasyon sa mga kabataang nagnanais makilala sa industriya ng musika.
Binubuo ang BINI nina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena. Kamakailan, nagtanghal ang grupo noong Abril 10 at 17, 2026 sa Empire Polo Club sa Indio, California, kung saan inawit nila ang kanilang mga hit songs tulad ng “Pantropiko,” “Karera,” at “Salamin, Salamin,” gayundin ang bagong kantang “Blush.”














