Aktibo nang nakikipag-usap ang Department of Tourism (DOT) sa Nation’s Girl Group na BINI upang maging tourism ambassadors ng Pilipinas.

Sa panayam nitong Martes, Mayo 26, sinabi ni DOT Secretary Dita Angara-Mathay na bahagi ng kanilang pakikipag-ugnayan sa grupo ang pagkilala sa matagumpay nitong pagrepresenta sa Pilipinas sa global stage, partikular sa kanilang pagtatanghal sa Coachella noong Abril.

“We’re going to talk to them, but they haven’t replied yet because they’re traveling. But we are, you know, we’re so proud that they unfurled the flag in a stage called Coachella. We congratulated them,” ani Mathay.

Sa kasalukuyan, wala pang tugon ang BINI sa alok ng DOT dahil abala pa umano ang grupo sa paghahanda para sa kanilang SIGNALS World Tour 2026.

Advertisement

Matatandaang pinarangalan na rin ng DOT ang BINI bilang kauna-unahang Filipino act na nakapagtanghal sa Coachella, isa sa pinakamalalaking music festival sa buong mundo.

Kasama rin sa kinilala ng ahensya si Sophia Laforteza, ang Pinay member ng international girl group na KATSEYE.

Nauna na ring inaprubahan ng Kamara ang House Resolution No. 93 na kumikilala sa BINI bilang “Nation’s Girl Group,” habang nagpasa rin ng kahalintulad na resolusyon ang Senado bilang pagbati sa grupo.

Binubuo ang BINI nina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena, na kilala sa kanilang mga hit songs na “Pantropiko” at “Salamin, Salamin.”

Advertisement