Ligtas na nakauwi ang 200 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Kuwait nitong Martes, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon sa OWWA, dumating ang mga OFW sakay ng Gulf Air Flight GF154 at agad silang sinalubong ng mga kinatawan mula sa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Binigyan ang mga umuwing OFW ng financial assistance, pagkain, at tulong para sa transportasyon at pansamantalang tirahan bilang bahagi ng reintegration support ng pamahalaan.
Sinabi ng OWWA na patuloy ang suporta ng gobyerno sa mga OFW “mula pagdating sa bansa hanggang sa kanilang reintegration sa kani-kanilang komunidad.”
Sa hiwalay na ulat, iniulat ng DMW na 13 OFWs at isang sanggol mula sa Iraq ang matagumpay ding na-repatriate at dumating sa Maynila matapos dumaan sa Hong Kong.
Ayon sa ahensya, isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Philippine Embassy sa Baghdad at Philippine Consulate General sa Hong Kong, habang tiniyak ang kanilang ligtas na transit at pag-uwi sa bansa.
Patuloy namang pinapaigting ng pamahalaan ang mga repatriation at assistance program para sa mga OFW na apektado ng sitwasyon sa ibang bansa.













