Binigyang-diin ni 1Tahanan Party-list Rep. Nathan Oducado na hindi sapat ang mataas na sahod para sa mga manggagawang Pilipino, kundi kailangan din ang seguridad sa trabaho, sapat na benepisyo, at proteksyon laban sa mapagsamantalang pautang.
Kasabay ng paggunita sa Araw ng Paggawa, nanawagan si Oducado sa Kongreso na madaliin ang pagpasa ng mga panukalang batas na layong palakasin ang kapakanan at kabuhayan ng mga manggagawa.
“Labor Day must be more than a commemoration—it must be a commitment to pass laws that truly uplift Filipino workers,” pahayag ng mambabatas.
Kabilang sa kanyang isinusulong ang House Bill 6960 o “Security of Tenure and Civil Service Eligibility for Long-Serving Casual and Contractual Government Employees Act,” na naglalayong bigyan ng civil service eligibility ang mga kuwalipikadong contractual workers sa gobyerno upang matiyak ang kanilang permanency.
“This measure recognizes the dignity of public servants who have long delivered essential government services despite insecure employment status,” ani Oducado.
Isinusulong din niya ang House Bill 8741 o “Service Incentive Leave Act of 2026” na magpapalawak ng bayad na leave para sa mga manggagawa bilang bahagi ng pangangalaga sa kanilang kalusugan at produktibidad.
Binigyang-diin din niya ang panukalang House Bill 6980 o “Credit Cards and Loans Penalties and Surcharges Regulation Act” na layong protektahan ang mga manggagawa laban sa mga “predatory lending” o mapagsamantalang pautang na may mataas na interes.
Kasabay nito, itinutulak din ang House Bill 6968 o “Strengthening Access to Credit for Micro and Small Businesses Act of 2025” upang mas mapadali ang pagkuha ng puhunan ng mga manggagawang nais magnegosyo.
“Honoring workers means passing laws that secure their present and strengthen their future,” pagtatapos ni Oducado.














