Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat laban sa chronic kidney disease (CKD) o sakit sa bato matapos lumabas sa datos na tinatayang 36% ng mga Pilipino, o isa sa bawat tatlo, ang apektado nito.
Ayon sa DOH, ang CKD ay isang kondisyon kung saan unti-unting humihina ang paggana ng mga bato, na nagdudulot ng hirap sa pag-alis ng dumi at sobrang tubig sa katawan.
Sinabi ng ahensya na maaaring tamaan ang sinuman ng sakit, ngunit mas mataas ang panganib sa mga may diabetes, altapresyon, obesity, may family history ng sakit sa bato, at sa mga naninigarilyo o umiinom ng alak.
Batay sa ulat, umabot na sa humigit-kumulang P27 bilyon ang nagastos ng PhilHealth para sa mahigit dalawang milyong dialysis claims sa unang anim na buwan ng 2025 pa lamang.
Tinawag ng DOH ang CKD bilang “silent killer” dahil madalas ay wala itong sintomas sa mga unang yugto. Sa paglala ng sakit, maaaring maranasan ang pamamaga ng mukha, kamay at paa, madalas na pag-ihi lalo na sa gabi, kawalan ng gana sa pagkain, at hirap sa paghinga.
Bilang pag-iwas, hinikayat ng DOH ang publiko na bawasan ang pagkain ng ultra-processed foods na mataas sa asin, asukal, at preservatives.
Pinayuhan din ang regular na pag-inom ng tubig, pag-eehersisyo, at pag-iwas sa bisyo upang mapanatiling malusog ang mga bato.













