Muling sumiklab ang karahasan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran matapos magpalitan ng missile at drone attacks sa Persian Gulf nitong Lunes, Mayo 4, habang patuloy na nagtutunggali ang dalawang panig sa kontrol ng Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng langis.
Ayon sa ulat, nagpalitan ng pag-atake ang dalawang bansa sa gitna ng umano’y “dueling maritime blockades” na lalong nagpahina sa isang fragile truce sa rehiyon. Sinabi ng US na nawasak nito ang anim na maliliit na bangka ng Iran, habang itinanggi naman ito ng Tehran.
Kasabay nito, iniulat na ilang merchant vessels sa Gulf ang nakaranas ng pagsabog at sunog, habang isang oil port sa United Arab Emirates ang tinamaan umano ng missile attack mula sa Iran. Tinawag ng UAE ang insidente bilang seryosong eskalasyon at naghayag ng karapatang gumanti.
Inilunsad din ni US President Donald Trump ang tinatawag na “Project Freedom,” na layong tulungan ang mga na-stranded na barko na makatawid sa Strait of Hormuz sa gitna ng lumalalang tensyon. Ngunit ayon sa Iran, ang hakbang na ito ay paglabag sa ceasefire at nagbubunsod lamang ng mas malaking krisis.
Ayon sa US military, may ilang merchant ships na nakatawid sa strait sa ilalim ng kanilang escort, ngunit iginiit ng Iran na wala umanong ganitong paggalaw at nagbabala na aatakehin ang anumang banyagang pwersa na papasok sa naturang katubigan.
Samantala, iniulat din ng mga maritime agencies ang mga insidente ng pagsabog sa ilang barko, kabilang ang isang South Korean vessel, habang nananatiling hindi malinaw kung ito ay dahil sa direktang pag-atake o aksidente.
Sa gitna ng kaguluhan, nananatiling sarado o delikado ang pagdaan sa Strait of Hormuz, dahilan para tumaas nang higit 5% ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Giit ng Iran, walang solusyong militar sa krisis at patuloy ang diplomatic talks sa pamamagitan ng Pakistan, ngunit nagbabala ito laban sa anumang karagdagang interbensyon ng US at mga kaalyado nito.














