Tinawag ni Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-List Rep. Leila de Lima na “offensive” at “unfair” ang naging pahayag ni Batangas Rep. Leandro Leviste na umano’y sangkot ang mga kongresista sa vote buying.

Ayon kay De Lima, hindi sapat na burahin lamang sa rekord ang naturang alegasyon at iginiit na dapat itong personal na bawiin ni Leviste upang linawin ang isyu.

Nag-ugat ang kontrobersiya matapos akusahan ni Leviste ang ilang miyembro ng Kamara de Representantes ng pagkakasangkot sa vote buying, na agad namang umani ng matinding reaksyon mula sa kanyang mga kapwa mambabatas.

Nang muling mabigyan ng pagkakataon, nilinaw ni Leviste na hindi lahat ng kongresista ay sangkot sa naturang ilegal na gawain at kalaunan ay binawi ang kanyang sweeping claim.

Advertisement

Gayunman, ipinagtanggol niya ang kanyang pahayag at iginiit na laganap umano ang vote buying sa bansa, na umaabot aniya sa milyon hanggang bilyong piso ang ginagastos sa kampanya.

Samantala, kinuwestiyon din ng ilang mambabatas ang basehan ng kanyang mga alegasyon laban kay Executive Secretary Ralph Recto at iba pa, kabilang ang umano’y malaking campaign spending sa Batangas.

Sa panig naman ng kampo ni Recto, pinabulaanan ang mga paratang at tinawag na walang batayan ang mga ito, habang tinuligsa si Leviste sa naunang pahayag.

Sa kasalukuyan, ini-refer na sa Committee on Rules ang usapin upang masuri at mabigyan ng kaukulang aksyon ang naging pahayag ni Leviste.

Advertisement