Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagdalo sa Joint Task Force Maritime Strike bilang bahagi ng Balikatan 41-2026 na ginanap sa Camp Aguinaldo ngayong Miyerkules, Mayo 6.
Sa panayam ng Presidential Communications Office, ipinakita sa naturang ehersisyo ang koordinadong maritime strike operations ng mga pwersa ng Pilipinas at Estados Unidos.
Layunin ng aktibidad na ipakita ang pinahusay na kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsagawa ng operasyong militar kasama ang mga kaalyadong bansa, partikular sa pagpapanatili ng seguridad sa rehiyon at kalayaan sa paglalayag.
Ayon sa mga opisyal, mahalaga ang naturang pagsasanay upang mapalakas ang ugnayan ng mga pwersang militar ng dalawang bansa at mapabuti ang kanilang interoperability sa gitna ng mga hamon sa seguridad.
Dagdag pa rito, nagkaroon ng mas malalim na kahalagahan ang Balikatan 41-2026 dahil kasabay nito ang paggunita sa ika-75 anibersaryo ng Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Patuloy namang iginiit ng pamahalaan na ang ganitong mga aktibidad ay bahagi ng kanilang pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific region.














