Isang bottlenose dolphin ang nasawi matapos ma-stranded sa baybayin ng Barangay Cadunan sa Mabini, Davao de Oro, habang iniulat naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagkaligtas at presensya ng mga dugong sa Sarangani Bay at General Santos City.
Ayon sa DENR-11, ang nasabing dolphin na may habang 8.75 feet ay natagpuan pang buhay ng mga residente sa Sitio Asinan, ngunit kalaunan ay binawian ng buhay dahil sa mga pinsala at parasitic infestation.
Ipinaliwanag ng ahensya na bagama’t maaaring natural ang mga stranding incidents, madalas din itong nauugnay sa mga aktibidad ng tao tulad ng pagkasira ng tirahan sa dagat, polusyon, at pagkakasabit sa mga kagamitan sa pangingisda.
Umapela ang DENR-11 sa publiko na agad iulat ang mga nakikitang stranded na marine wildlife o anumang paglabag na nakaaapekto sa buhay-dagat. Tiniyak din ng Protected Area Management Office ng ahensya na paiigtingin pa ang pagbabantay at pangangalaga sa mga marine species sa lugar.
Samantala, nakapagtala rin ang DENR-12 ng presensya ng hindi bababa sa anim na dugong o sea cows sa Sarangani Bay at General Santos City mula Abril 28 hanggang Mayo 5, 2026.
Ayon sa monitoring, tatlo sa mga dugong ay nakita sa Glan, dalawa sa Alabel, at isa sa General Santos City.
Sinabi ng DENR-12 na ang mga sightings ay nagpapakita na nananatiling mahalagang tirahan ng mga dugong ang Sarangani Bay, sa kabila ng mga naitalang pagkamatay ng ilang marine mammals sa rehiyon sa mga nakaraang buwan.
Binigyang-diin ng ahensya ang kahalagahan ng pangangalaga sa seagrass beds, responsableng pamamahala sa baybayin, at tuloy-tuloy na scientific monitoring upang maprotektahan ang mga dugong at iba pang marine species.














