Patuloy ang pag-aalburoto ng Kanlaon Volcano sa Negros Island matapos makapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng 18 volcanic earthquakes at mahigit 2,000 tonelada ng sulfur dioxide emissions sa loob ng 24 oras.

Ayon sa PHIVOLCS, naitala ang mga pagyanig noong Biyernes habang umabot sa 2,062 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan mula 12 a.m. ng Biyernes hanggang 12 a.m. ng Sabado.

Nakita rin ang makakapal na usok mula sa bunganga ng bulkan na umaabot sa taas na 200 metro, na inanod patungong timog-kanluran at timog-silangan.

Patuloy na umiiral ang Alert Level 2 (Increased Unrest) sa Kanlaon Volcano, na nangangahulugang may patuloy na abnormal na aktibidad sa ilalim ng bulkan.

Advertisement

Nagpaalala ang PHIVOLCS na bawal ang pagpasok sa loob ng 4-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng biglaang steam-driven o phreatic eruptions at posibleng paglabas ng magma.

Ipinagbabawal din ang paglipad ng anumang aircraft malapit sa bulkan upang maiwasan ang panganib sa aviation safety.

Ang Kanlaon Volcano, na sumasaklaw sa mga lalawigan ng Negros Occidental at Negros Oriental, ay huling nagbuga ng abo noong Mayo 5.

Advertisement