Inaasahang muling magtatala ng kasaysayan ang House of Representatives of the Philippines ngayong araw matapos ihayag ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na muling pagbotohan ng Kamara ang impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Ayon kay Ridon, tinatayang aabot sa 215 mambabatas ang boboto pabor upang maipagpatuloy ang impeachment trial, kapareho umano ng bilang noong nakaraang taon.
Batay sa ulat ng House Committee on Justice, natuklasan umano ang mahigit P6.77 bilyong transaksyon sa mga account ng bise presidente at ng kanyang asawa, na malayo sa P88.5 milyong nakasaad sa kanyang 2024 Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN.
Bukod dito, iniulat din na inatasan ng Commission on Audit ang pagbabalik ng P448 milyon bilang personal na pananagutan kaugnay ng mga disallowed confidential fund expenditures.
Dagdag pa rito, sinabi ni Ridon na may mga video recording na napatunayang totoo at nagpapakita umano ng tahasang pagbabanta ng pangalawang pangulo laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Ridon, ang mga ito ay malinaw umanong indikasyon ng betrayal of public trust at paglabag sa Konstitusyon.
“Ang boto ngayong araw ay hindi lamang isang pampulitikang hakbang. Ito ay isang konstitusyonal na akto ng pananagutan,” ani Ridon.
Dagdag pa niya, “Ang laban na ito ay laban ng sambayanan—para sa katotohanan, pananagutan, at hustisya.”














