Tumaas sa 10.7% year-on-year ang paglago ng pautang ng mga universal at commercial bank (U/KBs) noong Marso 2026, mula sa 9.6% noong Pebrero, ayon sa paunang datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na nagpapakita ng mas malakas na suporta sa negosyo at konsumo.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, patuloy na lumalakas ang pagpapautang ng mga bangko kung saan umakyat ng 1.7% month-on-month ang outstanding loans base sa seasonally adjusted data.
Mas mabilis ang paglago ng business loans na umabot sa 9.7% mula 8.6% noong Pebrero. Kabilang sa mga sektor na nakapagtala ng mas mataas na pautang ay real estate (8.8%), electricity at gas supply (26.7%), wholesale at retail trade (9.3%), at transportation at storage (19.4%).
Samantala, ang consumer loans ay tumaas ng 20.5% ngunit bahagyang mas mabagal kumpara sa 20.8% noong nakaraang buwan, bunsod ng paghina ng motor vehicle at salary-based consumption loans.
Lumago rin ng 11.1% ang pautang sa mga residente, habang bumaba ng 5.9% ang loans sa non-residents, mas banayad kumpara sa 13.2% na pagbaba noong Pebrero.
Binigyang-diin ng BSP na nananatiling mahalagang daluyan ng polisiya sa ekonomiya ang bank lending, at titiyakin nitong ang antas ng liquidity at pagpapautang ay naaayon sa layunin ng katatagan ng presyo at sistema ng pananalapi.














