Naniniwala si Rep. Joel Chua na magpapatuloy nang maayos ang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte sa kabila ng pagbabago ng pamunuan sa Senado.
Ayon kay Chua, tiwala siya na si Senador Alan Peter Cayetano, bilang beteranong abogado at dating Speaker ng Kamara, ay kikilalanin ang kanyang konstitusyonal na tungkulin na agad mag-convene ng impeachment court sa oras na matanggap ang Articles of Impeachment mula sa House of Representatives of the Philippines.
Matatandaang nahalal si Cayetano bilang bagong Senate President matapos mapalitan si Senador Vicente “Tito” Sotto III noong Mayo 11, 2026.
Nauna nang bumoto ang Kamara sa botong 257-25-9 pabor sa impeachment ni Duterte, na ikalawang impeachment complaint laban sa kanya mula nang maupo bilang Bise Presidente.
Kabilang sa mga nakasaad sa Articles of Impeachment ang umano’y misuse ng confidential funds, unexplained wealth, bribery, at death threats laban sa ilang opisyal ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Chua, matibay umano ang ebidensiya laban kay Duterte batay sa mga dokumentong mula sa Anti-Money Laundering Council, Securities and Exchange Commission, at Commission on Audit na nagpapakita umano ng hindi tugmang datos sa kanyang yaman at mga bank transaction.
Sa kabila ng pangamba ng ilan na maaaring maantala ang proseso dahil sa bagong liderato ng Senado, iginiit ni Chua na malinaw na itinatakda ng Saligang Batas na dapat agad mag-convene ang Senado bilang impeachment court.








