Ipinahayag ni Senador Vicente “Tito” Sotto ang matinding pagkadismaya sa Philippine National Police (PNP) at iba pang security personnel matapos umanong mabigo ang mga ito na kontrolin ang marahas na grupo ng mga nagpoprotesta sa labas ng Senado nitong Miyerkules ng gabi, kung saan nakaranas pa umano siya ng pangha-harass habang nasa loob ng kaniyang sasakyan.

Ayon kay Sotto, personal niyang naranasan ang pagbato at pagkalampag ng mga nagpoprotesta sa kaniyang sasakyan habang siya ay nagmamaneho palabas ng gusali ng Senado.

“I am furious and disappointed with the PNP and other security personnel assigned outside the Senate for failing to control the rowdy and unruly crowd, allowing them to assault me while inside my vehicle when I was about to exit the Senate,” pahayag niya sa kaniyang Facebook post.

Dagdag pa ng senador, binato umano ng bote ang kaniyang sasakyan at sinigawan siya ng masasamang salita ng mga raliyista, sa kabila ng presensya ng mga pulis sa lugar. “The barbaric protesters banged my vehicle repeatedly, threw bottles and cursed foul remarks,” ayon pa kay Sotto.

Advertisement

Samantala, tumindi ang tensyon sa paligid ng Senado matapos hindi maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema na hinihiling ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng pagpapatupad ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) na may kinalaman sa kaniyang umano’y papel sa war on drugs ng administrasyong Duterte. Si Dela Rosa ay kasalukuyang nasa ilalim ng protective custody ng Senado.

Nagpahayag rin ng pagkadismaya si Sotto sa mga tagasuporta ng ilang mambabatas na nakilahok sa protesta, at iginiit na marami umanong puwersa ng PNP ang naka-deploy sa lugar ngunit hindi pa rin napigilan ang kaguluhan.

“Ilang truck na PNP ang nakadeploy sa Senate, tapos ganito? Ganito na ba kawalang respeto at walanghiya ang mga taga suporta ng ilang Senador na nagrarally ngayong gabi?” ani Sotto.

Dahil sa insidente, nagpatupad ng full alert status ang PNP sa paligid ng Senado. May mga ulat din ng pagputok ng baril sa ikalawang palapag ng gusali, ngunit nilinaw ng mga awtoridad na walang nasaktan at patuloy pa ang imbestigasyon sa pinagmulan ng putok.

Sinabi naman ng Armed Forces of the Philippines na ang mga sundalong nakita sa loob ng Senado ay kabilang sa Marine Security & Escort Group (MSEG) na naka-assign sa seguridad ng lugar.

Advertisement