Kinumpirma ni Interior Secretary Jonvic Remulla na may mga armadong indibidwal na nagtangkang pumasok sa gusali ng Senado sa ikalawang palapag nitong Miyerkules ng gabi, na nagresulta sa tensyon at pagpapaputok ng warning shot ng Senate security personnel.

Ayon kay Remulla, nangyari ang insidente bandang 7:46 p.m. kung saan tinangka umanong pasukin ng mga armadong lalaki ang Senado ngunit sila ay hinarang ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA).

“Armed men tried to enter through the second floor but were stopped by the OSAA. They had firearms with them, but the OSAA fired a warning shot,” pahayag ni Remulla sa panayam sa media.

Dagdag pa niya, umatras ang mga ito at kalaunan ay nagpaputok umano ng walang target sa hangin. Wala pa umanong tiyak na bilang ng mga indibidwal na sangkot sa insidente.

Advertisement

Patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga sangkot sa pamamagitan ng CCTV footage at iba pang ebidensya.

“We are in the process of determining who is behind this,” ani Remulla, sabay diin na pangunahing layunin ng gobyerno ay tiyakin ang kaligtasan ng mga senador at tauhan ng Senado.

Nag-utos din umano ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na siguraduhin ang pag-iingat ng lahat ng CCTV footage sa gusali upang makatulong sa imbestigasyon.

Samantala, nagtaas ng full alert status ang Philippine National Police (PNP) dahil sa patuloy na tensyon sa paligid ng Senado.

Ayon naman sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang mga sundalong nakita sa loob ng gusali ay kabilang sa Marine Security & Escort Group (MSEG) na naka-assign sa seguridad ng Senado.

Patuloy ang imbestigasyon habang nananatiling mahigpit ang seguridad sa paligid ng gusali ng Senado kasunod ng insidente.

Advertisement