Nakatakdang magsumite ng komento ang Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema kaugnay ng petisyon ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa laban sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Ito ay matapos bigyan ng Korte Suprema ang ehekutibong sangay ng pamahalaan ng 72 oras upang magsumite ng kanilang komento sa kaso.

Ayon sa OSG, kanilang ihahain ang komento bago ang itinakdang deadline sa Mayo 16, 2026, alas-6:44 ng gabi bilang pagsunod sa direktiba ng korte.

Kabilang sa mga respondent sa petisyon ang Office of the Executive Secretary, Department of Justice (DOJ), at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Advertisement

Nauna nang naghain si Dela Rosa ng petisyon para sa Temporary Restraining Order (TRO) upang mapigilan ang pagpapatupad ng ICC arrest warrant laban sa kanya, ngunit hindi ito pinagbigyan ng Korte Suprema.

Inilabas ng ICC ang warrant laban sa senador dahil umano sa pagiging “co-perpetrator” nito sa mga pagpatay na may kaugnayan sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Advertisement