Nakapagtala ang Bulkang Mayon sa Albay ng 51 volcanic earthquakes nitong Biyernes, kabilang ang 30 volcanic tremors na tumagal ng dalawa hanggang 45 minuto, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Sabado.

Ayon sa ulat ng PHIVOLCS, naitala rin ang 399 rockfall events at anim na pyroclastic density current (PDC) signals sa parehong panahon, na nagpapakita ng patuloy na pag-aalboroto ng bulkan.

Patuloy ding umaagos ang lava mula sa bunganga ng Mayon patungo sa mga kanal na Basud (3.8 km), Bonga (3.2 km), at Mi-isi (1.6 km) gullies. Naobserbahan din ang episodic na minor strombolian activity at panandaliang lava fountaining, habang may nakikitang crater glow sa gabi.

Naitala rin ang 1,345 tonelada ng sulfur dioxide emissions noong Biyernes, at ang paglabas ng katamtamang plume na dumudrift patungong timog-kanluran.

Advertisement

Nananatili sa Alert Level 3 (Intensified Unrest / Magmatic Unrest) ang Bulkang Mayon. Muling pinaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) at ang paglapit ng mga sasakyang panghimpapawid sa bulkan.

Babala rin ng ahensya ang posibleng panganib tulad ng rockfalls, landslides, ballistic fragments, lava flows, pyroclastic density currents, malalakas na pagsabog, at lahar tuwing may malakas at tuluy-tuloy na pag-ulan.

Advertisement