Bumaba sa 10 ang kabuuang global cases ng hantavirus outbreak matapos makumpirmang negatibo ang isang indibidwal sa Estados Unidos na dati’y may hindi tiyak na resulta ng test, ayon sa World Health Organization (WHO).
Ayon sa WHO, tatlo na ang naitalang nasawi mula sa outbreak na nangyari sa MV Hondius cruise ship na umalis sa Argentina noong Abril 1. Ang kaso ay nauugnay sa Andes virus, isang bihira ngunit nakahahawang uri ng hantavirus na naipapasa sa tao sa pamamagitan ng matagal at malapitang kontak.
Nilinaw ng WHO na walang ebidensya ng anumang pagbabago sa virus na nagpapataas ng transmissibility o kalubhaan nito. Dagdag pa ng ahensya, wala pa ring aprubadong bakuna o antiviral treatment para sa hantavirus, kaya nakatuon ang gamutan sa supportive care ng mga pasyente.
Sa kasalukuyan, inirerekomenda ng WHO ang 42-araw na quarantine para sa mga high-risk contacts at self-monitoring naman para sa low-risk contacts upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng impeksyon.
Giit pa ng WHO, hindi ito maihahambing sa COVID-19 at hindi itinuturing na banta ng isang pandemya sa ngayon.














