Humarap sa International Criminal Court (ICC) ang dating hepe ng kulungan sa Libya na si Khaled Mohamed Ali El Hishri kaugnay ng mga alegasyon ng war crimes at crimes against humanity sa Mitiga prison mula 2015 hanggang 2020.
Ayon sa mga prosecutor, si El Hishri ay itinuturing na utak umano ng mga insidente ng torture, sexual abuse, at pagpatay sa mga detainee sa naturang pasilidad. Kabilang umano sa mga biktima ang mga kababaihan at isang 15-anyos na lalaki.
Sinabi rin ng prosekusyon na maraming bilanggo ang nasawi dahil sa tinatawag na “mistreating, sexually abusing, and killing detainees.”
Nilinaw ng ICC na ang kasalukuyang pagdinig ay hindi pa pormal na paglilitis, kundi layong alamin kung sapat ang ebidensya upang ituloy ang full trial. Maaaring aprubahan ng mga hukom ang kaso, ibasura ito, o baguhin ang mga paratang.
Mariing itinanggi ni El Hishri ang mga akusasyon at humiling ng kanyang paglaya.
Bahagi ang kaso ng mas malawak na imbestigasyon ng ICC sa mga krimen sa Libya kasunod ng 2011 uprising na nagpatalsik kay dating lider Muammar Gaddafi.
Samantala, isa pang opisyal na si Osama Almasri Najim ay kabilang din sa mga pinaghahanap kaugnay ng kahalintulad na mga alegasyon, ngunit naging kontrobersyal ang kanyang kaso matapos umano siyang palayain ng mga awtoridad sa Italya.














