Inihayag ng Malacañang na maaaring maituring na isang “fugitive” o tumatakas sa batas si Senador Ronald dela Rosa matapos nitong lisanin ang protective custody ng Senado kasunod ng pagbasura ng Korte Suprema sa kaniyang kahilingan para sa temporary restraining order (TRO).

Ito ang naging pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro nang tanungin kung maituturing na pugante ang senador matapos ang naging desisyon ng Korte Suprema.

Ayon kay Castro, ito rin umano ang opisyal na posisyon ng Office of the Solicitor General kaugnay ng estado ng mambabatas.

Gayunman, sinabi niyang ipauubaya na sa Department of Justice ang lahat ng operational matters kaugnay ng posibleng pagpapatupad ng warrant laban kay dela Rosa.

Advertisement

Binigyang-diin din ni Castro na “valid” ang warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court laban sa senador.

Ngayong araw ay naglabas ng resolusyon ang Supreme Court of the Philippines at tinanggihan ang hiling na TRO ni dela Rosa.

Dagdag pa ni Castro, ang lahat ng interpretasyon at evaluation hinggil sa naging resolusyon ng Korte Suprema ay ipauubaya na rin sa DOJ at kay Frederick Vida.

Advertisement