Mariing kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang isang Bacolod-based radio program anchor matapos umano nitong magbitaw ng hindi angkop na biro at pahayag sa isang babaeng reporter habang nasa live coverage, na tinawag ng grupo bilang isang kaso ng sexual harassment.

Ayon sa NUJP, ang insidente ay naganap habang nakikipag-ugnayan ang radio anchor sa reporter na kasalukuyang nag-uulat tungkol sa isang kaso ng pang-aabuso, nang magbiro umano ito tungkol sa “rape.”

Giit ng NUJP, patuloy pa rin ang problema ng misogyny at “macho culture” sa ilang newsroom sa bansa, at marami umanong insidente ang hindi naiuulat dahil sa takot ng mga biktima na mawalan ng trabaho, hindi paniwalaan, o mapahiya.

Nanawagan ang grupo sa mga media organization na magpatupad ng mas mahigpit na polisiya laban sa sexual harassment at tiyakin ang ligtas at makatarungang workplace para sa lahat ng mamamahayag.

Advertisement

Samantala, humingi ng paumanhin ang naturang Bacolod-based radio anchor at inamin niyang naging “insensitive, irresponsible, and entirely unacceptable” ang kanyang pahayag, at iginiit na wala siyang intensyong maliitin ang mga biktima ng sexual violence.

Kasunod nito, sinuspinde ang nasabing radio anchor, habang nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang Committee on Women and Children ng Bacolod City Council kaugnay ng insidente.

Advertisement