Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang naitatalang kaso ng Ebola sa Pilipinas sa kabila ng napaulat na outbreak ng sakit sa Democratic Republic of the Congo, kaya’t wala umanong dahilan para mag-panic ang publiko.
Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo, nananatiling mababa ang panganib ng pagpasok ng Ebola sa bansa dahil malayo ang Pilipinas sa West Africa kung saan naitala ang outbreak ng sakit.
Sinabi rin ni Domingo na wala namang inirekomendang travel ban ang World Health Organization (WHO), kaya’t hindi rin ito ipatutupad ng pamahalaan sa kasalukuyan.
Gayunman, magpapatupad ang Bureau of Quarantine ng mas mahigpit na screening sa mga biyaherong magmumula sa Democratic Republic of the Congo at Uganda upang matiyak na hindi makapapasok sa bansa ang virus.
Matatandaang nauna nang idineklara ng WHO bilang “public health emergency of international concern” ang Ebola outbreak sa naturang mga bansa.
Samantala, iniulat ni Domingo na pinag-aaralan na ng mga eksperto ng WHO ang posibleng lunas laban sa Bundibugyo virus na sanhi ng outbreak, kabilang ang paggamit ng remdesivir na ginamit noon bilang gamot laban sa COVID-19.
Pinayuhan din ng DOH ang publiko na palakasin ang kanilang resistensya at panatilihin ang wastong kalinisan upang maiwasan ang pagkahawa sa Ebola na naipapasa sa pamamagitan ng body fluids.














