Tinatayang nasa 100,000 hanggang 200,000 Pilipino sa Estados Unidos ang maaaring maapektuhan ng bagong patakaran ng US sa green card applications, ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez.
Kasunod ito ng bagong polisiya ng US Citizenship and Immigration Services (USCIS) kung saan ang adjustment of status o pag-aapply ng green card habang nasa Estados Unidos ay ituturing na “discretionary benefit” lamang at hindi karapatan.
Ayon kay Romualdez, posibleng kailangang umuwi muna sa Pilipinas ang mga Pilipinong nasa US na naghihintay ng kanilang green card upang doon iproseso ang kanilang aplikasyon.
“Ngayon hindi na puwede yung iintayin nila dito yung green card. Kailangan umuwi muna sila at saka doon ipo-process,” aniya.
Dagdag ng embahador, layunin ng bagong patakaran na bawasan ang backlog sa US immigration system at tugunan ang mga kaso ng overstaying at mga denied applications.
Ipinaliwanag din niya na mas magiging diretso umano ang proseso kung dadaan sa US Embassy o consulates sa Pilipinas, dahil mas mabilis at mas maayos ang pagrepaso ng mga dokumento.
Nilinaw naman ni Romualdez na hindi maaapektuhan sa parehong paraan ang mga Pilipinong nasa Pilipinas na at dumaraan sa normal na consular processing, gayundin ang mga may valid working visas sa US.
May mga posibleng exemption din para sa humanitarian cases tulad ng matatanda o may mabigat na dahilan para hindi makaalis ng US habang hinihintay ang aplikasyon.
Pinayuhan niya ang mga posibleng maapektuhan na agad kumonsulta sa mga immigration lawyer upang malaman kung kwalipikado sila sa anumang exemption.













