Nanawagan si Justice Secretary Fredderick Vida kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na sumuko na sa mga awtoridad at sundin ang umiiral na proseso ng batas kaugnay ng warrant of arrest na inilabas laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC).

Sa isang press briefing ngayong Martes, sinabi ni Vida na bilang kapwa Pilipino ay hinihikayat niya si Dela Rosa na igalang ang rule of law.

“Sa akin po, pakiusap bilang kapwa Pilipino kay Senator Bato dela Rosa, heed the call of the rule of law. Alam ninyo kapag may arrest warrant, dapat sine-serve at dapat sinusunod,” ani Vida.

Nahaharap si Dela Rosa sa warrant of arrest mula sa ICC kaugnay ng alegasyon ng crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs campaign noong administrasyong Duterte mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018.

Advertisement

Ayon sa ICC, hindi bababa sa 32 katao ang nasawi sa mga operasyong iniuugnay sa kaso.

Matatandaang nagtangka ang mga awtoridad na ipatupad ang warrant noong Mayo 11 na nagresulta sa habulan sa loob ng Senate building.

Kalaunan ay isinailalim si Dela Rosa sa protective custody ng Senado bago umano ito umalis sa Senate premises noong Mayo 14 at muling nawala sa publiko.

Sinabi ni Vida na batay sa impormasyon ng pamahalaan, nananatili pa rin umano si Dela Rosa sa loob ng bansa.

Samantala, sinabi rin ng DOJ na pinag-aaralan nito ang posibleng pananagutan ni Senador Robin Padilla matapos nitong amining isinakay niya si Dela Rosa palabas ng Senado noong Mayo 14.

Ayon kay Vida, hindi na kinakailangang tanungin pa si Padilla dahil marami na umano itong inaming detalye kaugnay ng insidente.

Gayunman, nilinaw niyang bukas pa rin ang DOJ kung nais magpaliwanag ni Padilla.

Nauna nang itinanggi ni Padilla na tinulungan niyang “makatakas” si Dela Rosa.

Nagbabala rin si Vida na maaaring maharap sa kasong obstruction of justice at perpetual disqualification sa paghawak ng pampublikong posisyon ang mga opisyal na mapatutunayang humadlang sa legal na proseso.

Bukod dito, sinabi rin ni Vida na magpapadala ang DOJ ng liham kay Atty. Jimmy Bondoc, legal counsel ni Dela Rosa, upang hingin ang anumang impormasyon nito hinggil sa kinaroroonan ng senador.

Ito ay matapos aminin ni Bondoc na alam niya ang lokasyon ng kanyang kliyente.

Ayon kay Vida, hindi maaaring gamitin ang client-lawyer privilege bilang dahilan upang itago ang isang pinaghahanap ng batas o hadlangan ang imbestigasyon.

Samantala, naglabas na rin ng subpoena ang DOJ special panel of prosecutors sa Office of the Senate Secretary kaugnay ng imbestigasyon sa insidente ng barilan sa Senado.

Kabilang sa hinihinging dokumento ang oath of office ng suspendidong acting Senate Sergeant-at-Arms na si Mao Aplasca, inventory ng mga armas ng Senado, issuance documents, at security logs ng Senate premises.

Humingi rin ng records ang DOJ sa Commission on Audit at Philippine National Police kaugnay ng mga firearm assets ng Senado.

Advertisement