Nag-utos ang International Criminal Court (ICC) ng panibagong pagsusuri sa kalusugan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang matukoy kung sapat pa ang kanyang kondisyon para humarap sa paglilitis sa kasong crimes against humanity.
Sa unang status conference nitong Miyerkoles, sinabi ni ICC Trial Chamber III Judge Joanna Korner na muling sasailalim sa medical assessment si Duterte matapos maghain ng mosyon ang kanyang kampo.
Ayon sa depensa, ang naunang pagsusuri ay nakatuon lamang para sa confirmation of charges proceedings at hindi para sa mismong trial proper.
Dahil dito, sinabi ni Korner na maaaring agad na ipag-utos ng hukuman ang panibagong pagsusuri upang makakuha ng updated na ulat hinggil sa kalagayan ng dating pangulo.
Bunga nito, ipinagpaliban muna ng ICC ang pagtatakda ng eksaktong petsa ng pagsisimula ng paglilitis.
Binigyang-diin ni Korner na mahalagang matukoy muna ang tunay na kondisyon ni Duterte lalo na’t may kaugnayan ito sa kanyang edad at posibleng mga problemang medikal.
Tinalakay rin sa status conference ang iba pang usapin gaya ng pretrial deadlines, pagsusumite ng ebidensya, paggamit ng mga wika sa paglilitis, at disclosure obligations ng magkabilang panig.
Ayon sa ICC Prosecution, nais nilang simulan ang paglilitis sa Nobyembre 30, habang isinusulong naman ng legal representative ng mga biktima na magsimula ito sa Setyembre.
Samantala, iminungkahi ng ICC Registry na sa Enero 2027 na lamang simulan ang trial dahil sa mga usaping may kaugnayan sa interpretation at pagsasalin ng wika.














