Nagsagawa umano ng panibagong airstrike ang militar ng Estados Unidos sa Iran laban sa isang military site na pinaniniwalaang banta sa US forces at mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz.
Ayon sa isang opisyal ng Amerika, pinabagsak din ng US military ang apat na Iranian attack drones at target ang isang ground control station sa Bandar Abbas na umano’y naghahanda pang magpalipad ng isa pang drone.
Iginiit ng Estados Unidos na depensibo lamang ang kanilang operasyon at layunin nitong mapanatili ang umiiral na tigil-putukan sa pagitan ng dalawang bansa.
Samantala, itinanggi ni US President Donald Trump ang ulat mula sa Iranian state media hinggil sa umano’y draft agreement para muling buksan ang Strait of Hormuz sa international shipping at sinabi nitong walang bansa ang maaaring kumontrol sa naturang mahalagang daanan ng langis sa mundo.














