Pormal nang naghain ang Office of the Ombudsman ng mga kasong plunder at graft laban kay Senador Jinggoy Estrada at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects ng pamahalaan.

Inihain ang mga kaso sa Sandiganbayan nitong Huwebes, Mayo 28, matapos irekomenda ng Department of Justice Special Prosecution Service noong Mayo 18 ang pagsasampa ng plunder, graft, at bribery charges laban kay Estrada at iba pang opisyal ng DPWH.

Nag-ugat ang reklamo sa testimonya ni dating DPWH Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez na nag-uugnay umano kay Estrada sa tinaguriang flood control scandal.

Ayon kay Hernandez, tumanggap umano ang senador ng 30 porsiyentong kickback mula sa P355 milyong halaga ng flood control projects.

Advertisement

Ito na ang ikatlong plunder case na kinakaharap ni Estrada. Una siyang nasangkot sa jueteng scandal noong 2001 at muling kinasuhan noong 2014 kaugnay ng PDAF scam, kung saan siya kalaunan ay napawalang-sala.

Ayon sa Ombudsman, inatasan na ang mga respondent na magsumite ng kanilang counter-affidavit sa loob ng 15 araw mula sa pagtanggap ng kautusan.

Inaasahang magiging sentro muli ng masusing imbestigasyon ang paggamit ng pondo ng gobyerno para sa mga infrastructure projects dahil sa bagong kasong isinampa laban sa senador at dating kalihim ng DPWH.

Sa ngayon, hinihintay pa ang opisyal na pahayag nina Estrada at Bonoan hinggil sa mga alegasyon laban sa kanila.

Advertisement