Tiniyak ng Philippine National Police o PNP na nakahanda ang kanilang puwersa para tiyakin ang seguridad ng mga estudyante, guro, at magulang sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo 8 sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.

Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., sapat ang kanilang mga tauhan upang tugunan ang pangangailangan sa seguridad sa panahon ng balik-eskuwela sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan.

Sa ilalim ng security plan ng PNP, paiigtingin ang presensya ng mga pulis sa mga paaralan at pangunahing lansangan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko lalo na ng mga kabataan.

Ginawa ng PNP chief ang pahayag kasabay ng mas pinaigting na operasyon ng mga awtoridad kaugnay ng iba’t ibang high-profile cases sa bansa.

Advertisement

Giit pa ng PNP, patuloy nilang ginagampanan ang mandato sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan habang inihahanda rin ang mga hakbang para sa ligtas na pagbubukas ng klase.

Wala namang inilabas na detalye ang PNP hinggil sa eksaktong deployment ng kanilang mga tauhan ngunit tiniyak ng ahensya na nakalatag na ang kanilang security preparations sa buong bansa.

Advertisement