Binigyang-diin ng mga eksperto ang mahalagang papel ng stingless bees o “lukot” sa pagpapalakas ng produksyon ng agrikultura at pagpapanatili ng biodiversity sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Cleo Cervancia (Professor Emeritus, University of the Philippines – Los Baños), sinabi nito na ayon sa mga pag-aaral, ang mga bubuyog na ito ay nagsisilbing pangunahing pollinators ng mga lokal na pananim gaya ng mangga at abokado, na maaaring magpataas ng ani ng mangga nang hanggang 70%.

Ipinunto rin na mas ligtas alagaan ang stingless bees kumpara sa karaniwang honeybees dahil wala silang stinger at lason. Bukod sa kanilang ambag sa polinasyon, kilala rin sila sa paglikha ng de-kalidad na pulot na may mataas na antioxidant properties at mababang sucrose content na nasa pagitan lamang ng 0.1 hanggang 1%.

Sa kabila ng mas mababang produksyon ng pulot na umaabot lamang sa isa hanggang dalawang kilo kada kolonya bawat taon, mataas naman ang halaga nito sa merkado dahil sa mga benepisyong pangkalusugan. Kinikilala rin ang propolis na mula sa stingless bees bilang produktong may malaking halaga sa larangan ng medisina at kosmetiko.

Advertisement

Ayon kay Cervancia, mahalaga ang wastong paghahanda ng lugar bago magsimula ng pag-aalaga ng stingless bees. Dahil hanggang 250 metro lamang ang kanilang flight range, kinakailangang may sapat na bee pasture o mga halamang mapagkukunan ng nektar at pollen sa paligid. Hinikayat din ang publiko na iwasan ang pagkuha ng mga ligaw na kolonya sa kagubatan bilang pagsunod sa Wildlife Act o Republic Act 9147.

Samantala, patuloy na isinusulong ng mga institusyon sa pananaliksik ang pagpapaunlad ng industriya ng stingless beekeeping bilang isang sustainable na kabuhayan. Tinatayang nasa loob lamang ng isang taon ang return of investment ng negosyo, habang inirerekomenda ang pag-aalaga ng humigit-kumulang 1,000 kolonya upang makamit ang matatag at pangmatagalang kita.

Advertisement