Isinilbi nitong Lunes, Hunyo 8, ang warrant of arrest laban sa kontratistang si Curlee Discaya kaugnay ng kasong malversation na walang inilaang piyansa. Ang kaso ay may kaugnayan umano sa pagkakasangkot niya sa isang kickback scheme na may kinalaman sa mga flood control projects.
Si Discaya, na kasalukuyang nakadetine sa Senado matapos ma-cite in contempt, ay isinailalim na sa kustodiya ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Matapos maisilbi ang warrant, isinakay siya sa isang police mobile at dinala sa Malolos, Bulacan para sa kaukulang proseso kaugnay ng kaso.
Noong Biyernes, nagpalabas ang Regional Trial Court ng Malolos, Bulacan ng warrant of arrest laban kina Discaya, kanyang asawa na si Sarah Discaya, at siyam pang iba na nasasangkot sa parehong kaso.
Samantala, ayon sa kampo ni Discaya, ikinalulungkot ng kanyang kliyente ang naging sitwasyon dahil sa kabila umano ng kanyang pakikipagtulungan sa mga awtoridad ay nauwi pa rin ito sa pagkakakulong.














