Hindi pa angkop ayon kay Atty. Jay Batongbacal, isang eksperto sa maritime law, sa ngayon na gamitin ng Pilipinas ang Mutual Defense Treaty (MDT) kasama ang Estados Unidos kaugnay ng mga lumulutang at gumagalaw na istrukturang itinayo ng China sa Bajo de Masinloc.

Ipinaliwanag niya na ang isyu ay may kinalaman sa soberanya at teritoryo, kaya’t hindi ito madaling dalhin sa mga pandaigdigang hukuman.

Gayunman, nagbabala siya na seryosong banta sa seguridad ng bansa ang mga ginagawa ng China sa lugar.

Dagdag pa niya, kung sakaling magawa ng China na gawing permanenteng military base ang nasabing lokasyon, maaari itong magdulot ng panganib dahil magiging humigit-kumulang 120 nautical miles na lamang ito mula sa Luzon.

Advertisement

Ayon kay Batongbacal, bago isaalang-alang ang MDT o paggamit ng puwersang militar, dapat munang matukoy ng pamahalaan kung maituturing na ba itong “act of aggression” o lantad na pag-atake.

Sa kasalukuyan, aniya, may posibilidad pang maresolba ang sitwasyon sa pamamagitan ng diplomasya at maaaring alisin ang mga istruktura sa mapayapang paraan.

Binigyang-diin din niya na may iba pang kaalyado ang Pilipinas sa usaping seguridad bukod sa Estados Unidos, tulad ng Japan at Australia.

Sa huli, iginiit niya na mahalagang maging maingat ngunit matatag ang tugon ng bansa sa pamamagitan ng batas, diplomasya, at pakikipag-ugnayan sa mga kaalyado upang maiwasan ang paglala ng tensyon tungo sa armadong tunggalian.

Advertisement