NAKATAKDANG iharap ng House prosecution panel ang mahigit 30 testigo sa paglilitis ng kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Batangas Representative Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, lead prosecutor at pinuno ng House Committee on Justice, pinalawak nila ang listahan ng mga testigo upang matiyak na maipapakita ang lahat ng mahahalagang testimonya sa Senado.

Ipinaliwanag ni Luistro na batay sa umiiral na mga patakaran, ang mga testigong hindi maisasama sa pre-trial brief ay maaaring hindi na payagang tumestigo sa mismong paglilitis.

Samantala, nilinaw nina Luistro at San Juan Representative Ysabel Maria Zamora na maaari pa ring hindi pangalanan sa ngayon ang ilang testigo at dokumento para sa kanilang seguridad at kaligtasan. Gayunman, kinakailangang magbigay ng sapat na paglalarawan tungkol sa kanilang katungkulan at sa nilalaman ng kanilang testimonya.

Advertisement

Inaasahan ding ihaharap ng prosekusyon ang mga opisyal at rekord ng bangko bilang bahagi ng mga ebidensya kaugnay ng mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at umano’y maling paggamit ng confidential funds.

Nakatakdang isagawa ng Senado ang pre-trial conference sa Hunyo 18, habang pormal na magsisimula ang impeachment trial sa Hulyo 6.

Advertisement