Inihayag ng Department of Agriculture–Bureau of Plant Industry (DA-BPI) na walang inaangkat na ube o purple yam ang Pilipinas mula sa anumang bansa, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng pandaigdigang demand para sa naturang pananim.

Ayon sa ahensya, dapat na beripikahin sa mga kinauukulang awtoridad ang anumang ube na ibinebenta, dinadala, o inaangking “imported,” dahil mahigpit na ipinatutupad ang mga phytosanitary regulations sa pag-aangkat ng mga produktong agrikultural.

Ipinaliwanag ng DA-BPI na ang mga regulasyong ito ay mahalaga upang mapigilan ang pagpasok ng mga peste at sakit na maaaring magdulot ng pinsala sa sektor ng agrikultura at makaapekto sa seguridad ng pagkain sa bansa.

Tiniyak din ng ahensya na patuloy itong nagpapatupad ng mahigpit na border control measures upang maprotektahan ang mga yamang halaman ng Pilipinas, habang sinisiguro ang ligtas at maayos na kalakalan ng mga produktong agrikultural.

Advertisement
Advertisement