Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong weekend ang isang bagyo matapos lumakas ang isang low pressure area (LPA) na namataan sa silangan ng bansa.
Ayon sa weather monitoring, ang naturang sama ng panahon ay namataan sa layong 2,110 kilometro sa silangan ng Eastern Visayas. Taglay nito ang lakas ng hanging nasa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 70 kilometro bawat oras.
Kung tuluyang papasok sa PAR, bibigyan ito ng lokal na pangalan na “Francisco.” Gayunman, mababa pa umano ang posibilidad na direktang mag-landfall ang bagyo sa kalupaan ng Pilipinas.
Sa halip, posibleng palakasin nito ang southwest monsoon o habagat na maaaring magdala ng mga pag-ulan sa Palawan, Visayas, at Mindanao. Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang galaw at pag-unlad ng naturang sama ng panahon.
Samantala, dahil naman sa epekto ng easterlies, inaasahang makararanas ang Metro Manila, Visayas, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Bicol Region ng bahagyang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan at pagkulog-pagkidlat, lalo na pagsapit ng hapon at gabi.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling nakatutok sa mga susunod na abiso ng weather authorities para sa anumang pagbabago sa lagay ng panahon.














