Hinimok ni Atty. Levito “Levy” Baligod ang Department of Justice (DOJ) na mag-inhibit at ibasura ang lahat ng reklamong libel at cyber-libel na isinampa laban sa kanya at sa 18 dating bodyguards ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Sa panayam, sinabi ni Baligod na nararapat lamang na hindi na makialam ang DOJ sa mga naturang reklamo dahil nagpapatuloy na ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa kaparehong usapin.

Ayon sa abogado, may posibilidad na magkaroon ng magkasalungat na desisyon kung magpapatuloy ang magkahiwalay na imbestigasyon ng dalawang ahensya, na kapwa may kapangyarihang magsagawa ng sariling pagsusuri sa kaso.

Iginiit din ni Baligod na ang paggamit umano ng Office of the Ombudsman sa kanilang isinumiteng joint affidavit noong Pebrero ay indikasyon na may sapat na batayan ang mga alegasyong inilahad ng mga dating bodyguards, na nagpapakilala rin bilang mga dating sundalo.

Advertisement

Dahil dito, sinabi niyang hindi tugma ang mga reklamong nagsasabing walang katotohanan ang kanilang mga pahayag. Aniya, mas mainam na ipaubaya na lamang sa Ombudsman ang pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Office of the Ombudsman kaugnay ng panawagan ni Baligod.

Samantala, ibinahagi ng abogado na siyam na dating sundalo na ang nakapanayam ng Ombudsman bilang bahagi ng imbestigasyon sa mga alegasyon ng grupo.

Matatandaang nagsiwalat ang mga dating bodyguards ng umano’y pagtanggap ng ilang indibidwal at opisyal ng mga maleta na naglalaman umano ng pera. Kasunod ng pagsasapubliko ng kanilang mga alegasyon, sunod-sunod silang naharap sa mga reklamong libel at cyber-libel.

Muli ring tiniyak ni Baligod ang kanilang pagdalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Erwin Tulfo kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang infrastructure projects ng pamahalaan.

Advertisement