Nagbabala si U.S. President Donald Trump na maaaring magsagawa muli ng military action ang Estados Unidos laban sa Iran kung itutuloy nito ang banta na isara ang Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang rutang dinaraanan ng langis at iba pang kalakal sa buong mundo.

Inihayag ni Trump ang babala matapos muling banggitin ng Iran ang posibilidad ng pagsasara sa nasabing estratehikong daanan ng mga barko.

Ayon sa Iran, hindi pa umano natutupad ng Estados Unidos ang mga ipinangakong hakbang kaugnay ng pagpapahinto ng tensyon at kaguluhan sa Lebanon. Dahil dito, hindi pa sila handang makipag-usap hinggil sa mas sensitibong usapin, kabilang ang kanilang nuclear program.

Sa kabila ng umiiral na tensyon, pinangunahan ni U.S. Vice President JD Vance ang pakikipagpulong sa mga opisyal ng Iran sa tulong ng mga mediator mula sa Qatar at Pakistan.

Advertisement

Binigyang-diin din ni Vance na nananatiling bukas si Trump sa panibagong dayalogo upang mapabuti ang relasyon sa pagitan ng Estados Unidos at ng mamamayan ng Iran.

Gayunman, walang naganap na joint appearance o magkasanib na pagharap sa publiko mula sa mga kinatawan ng dalawang bansa matapos ang mga pag-uusap.

Advertisement