Umalis ang delegasyon ng Iran sa venue ng negosasyon sa Switzerland na naglalayong makahanap ng kasunduan upang wakasan ang kaguluhan sa Middle East, matapos muling magbanta si Donald Trump ng pag-atake laban sa Islamic Republic dahil sa umano’y suporta nito sa grupong Hezbollah sa Lebanon.
Ayon sa ulat ng state media ng Iran, lumabas ang mga kinatawan ng Iran mula sa Bürgenstock Resort matapos ang kanilang pakikipagpulong sa delegasyon ng Qatar na nagsisilbing tagapamagitan sa mga pag-uusap.
Kasabay ng insidente, naglabas din ng pahayag si Trump sa X upang muling igiit ang kaniyang mga babala laban sa Iran.
Gayunman, sinabi ng isang diplomat na may kaalaman sa negosasyon na hindi pa tuluyang umaatras ang Iran sa proseso at nananatili pa rin itong “engaged” sa mga pag-uusap.
Nauna nang nagbabala si Trump na maaaring magsagawa ng pag-atake ang Estados Unidos laban sa Iran kung hindi nito pipigilan ang tinukoy niyang mga “proxy” sa Lebanon na umano’y nagdudulot ng kaguluhan.
Bilang tugon, nagbabala naman si Mohammad Bagher Ghalibaf, ang chief negotiator ng Iran, na dapat maging maingat ang Estados Unidos sa mga pahayag nito dahil handa umano ang sandatahang lakas ng Iran na tumugon sa iba’t ibang paraan.
Samantala, sinabi ng isang senior US diplomat na inaasahang magpapatuloy ang negosasyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran nitong Lunes ng gabi.
Sinimulan ang US-Iran talks noong Linggo matapos ang kasunduan ng dalawang panig noong nakaraang linggo na magsagawa ng pag-uusap upang makabuo ng kasunduan sa loob ng 60 araw na layong wakasan ang nagpapatuloy na digmaan sa Middle East.














