Lumabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Severe Tropical Storm Gardo nitong Biyernes ng umaga, ayon sa state weather bureau.
Batay sa pinakahuling ulat, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,310 kilometro silangan-hilagang silangan ng Extreme Northern Luzon.
Taglay ni Gardo ang pinakamalakas na hanging aabot sa 95 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugsong umaabot sa 115 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilaga sa bilis na 50 kilometro kada oras, habang ang lawak ng malalakas na hangin nito ay umaabot hanggang 260 kilometro mula sa sentro.
Bagama’t nasa labas na ng PAR ang bagyo, patuloy na pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na maging mapagmatyag dahil maaari pa ring palakasin ni Gardo ang habagat. Posibleng magdulot ito ng pag-ulan at masamang panahon, lalo na sa kanlurang bahagi ng Luzon.








