May malakas na indikasyon na hindi pa umano nakalalabas ng Pilipinas si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na may sinusundan silang impormasyon o lead hinggil sa posibleng kinaroroonan ng senador. Aniya, magiging mahirap para kay dela Rosa na makalabas ng bansa dahil kabilang ang 132 bansa sa mga kasapi ng International Criminal Court (ICC).
Si dela Rosa ay kasalukuyang nahaharap sa arrest warrant na inilabas ng ICC matapos siyang pangalanang isa sa mga umano’y co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng libu-libong pagkamatay sa kampanya kontra ilegal na droga noong nakaraang administrasyon.
Samantala, nilinaw ni Matibag na wala pa silang natatanggap na karagdagang arrest warrant mula sa ICC. Ito ang kanyang tugon sa mga ulat na may inilabas na rin umanong warrant laban kay Senador Bong Go.
Iginiit ng NBI Director na sa kasalukuyan, ang tanging arrest warrant na kanilang hawak ay ang para kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.












