Nakikipag-ugnayan na ang Armed Forces of the Philippines o AFP sa Philippine National Police o PNP at iba pang ahensya ng pamahalaan kaugnay ng isinagawang rally sa kahabaan ng EDSA.
Ayon sa AFP, patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at seguridad ng publiko habang nagpapatuloy ang mga aktibidad kaugnay ng pagtitipon.
Tiniyak naman ng AFP na mananatili itong propesyonal, walang kinikilingan, at susunod sa kanilang mandato bilang tagapagtanggol ng mamamayan at ng Saligang Batas.
Binigyang-diin ng militar na hindi sila nakikialam sa mga usaping pampulitika at ang kanilang pangunahing tungkulin ay tiyaking ligtas ang publiko at mapanatili ang kaayusan sa anumang pampublikong pagtitipon.
Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon sa EDSA habang isinasagawa ang rally upang agad na matugunan ang anumang insidente at matiyak ang seguridad ng lahat ng kalahok.














