Iginiit ng isang abogado na hindi maituturing na “selective justice” ang pag-aresto kay Senator Rodante Marcoleta dahil umano sa malinaw na ebidensya laban dito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Michael Henry Yusingco (Political Analyst/Constitutionalist), ipinaliwanang nito na may video na nagpapakita ng pag-amin ng senador na tumanggap siya ng milyun-milyong piso na hindi umano idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), na maaaring magsilbing batayan ng kasong isinampa laban sa kanya.
Sinabi rin ni Yusingco na bagama’t may mga nagtatanong kung bakit hindi pa naaaresto o nasasampahan ng kaso ang iba pang mga opisyal na nahaharap din sa mga alegasyon, hindi ito sapat na dahilan upang pigilan ang pagpapatupad ng batas laban kay Marcoleta. Ayon sa kanya, ang kawalan ng aksyon sa ibang kaso ay hindi nagpapawalang-sala sa sinumang may sapat na ebidensya ng paglabag.
Binigyang-diin din niya ang posibleng epekto ng pag-aresto sa nalalapit na impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte sa Hulyo 6. Kung mananatiling nakadetine si Marcoleta, maaari siyang hindi makadalo sa mga sesyon ng Senado at hindi makaboto bilang senator-judge, bagay na maaaring makaapekto sa balanse ng boto sa paglilitis.
Nagpahayag din si Yusingcong pagkabahala sa posibleng presyur na maaaring maranasan ng Ombudsman mula sa iba’t ibang sektor. Aniya, nararapat lamang na manatiling malaya at walang kinikilingan ang tanggapan sa pagganap ng tungkulin nito. Hiniling din niya ang mas malinaw na paliwanag kung bakit ginawang state witness si Secretary Jaime Bonoan upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa proseso.
Samantala, dagdag pa ni Yusingco na nananatiling malaking hamon ang pagkuha ng kinakailangang 16 na boto sa Senado para sa conviction sa impeachment trial. Iginiit niyang ang pagpapatupad ng batas at pagresolba sa mga kaso ay dapat nakabatay sa ebidensya at sa tamang proseso ng batas, at hindi sa impluwensiyang politikal o ng anumang voting bloc.










