Inihayag ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Naga na nananatiling umiiral ang Blue Alert Status bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng epekto ng masamang panahon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Raynor Rodriguez (Head, CDRRMO-Naga), sinabi nito na ang color-coded alert system ng Office of the Civil Defense ay binubuo ng White Alert para sa normal na operasyon, Blue Alert para sa yugto ng paghahanda na karaniwang ipinatutupad 72 oras bago ang inaasahang banta, at Red Alert na nangangahulugang full standby kung saan lahat ng kawani at rescue volunteers ay nakahanda na para sa agarang pagtugon.
Bagama’t may namamataang Low Pressure Area (LPA), nilinaw ng CDRRMO na hindi direktang naaapektuhan sa kasalukuyan ang Lungsod ng Naga dahil sa lokasyon nito sa gitnang bahagi ng lalawigan. Gayunman, patuloy na minomonitor ng tanggapan ang 18 sa 27 barangay na itinuturing na flood-prone dahil sa posibilidad ng biglaang pagbabago ng lagay ng panahon.
Ayon kay Rodriguez mahalaga ang tuloy-tuloy na koordinasyon sa mga barangay sa pamamagitan ng group chats at radyo upang mabilis na maiparating ang mga update at kinakailangang paghahanda. Sinabi rin ng tanggapan na may sapat nang kakayahan ang mga barangay sa disaster response, kaya nakatuon ngayon ang kanilang operasyon sa pagpapalakas ng komunikasyon at maayos na daloy ng impormasyon.
Hinikayat din ng CDRRMO ang bawat pamilya na isabuhay ang disaster preparedness o “DRR concept” sa loob ng kanilang tahanan. Kabilang dito ang paghahanda para sa mga posibleng emergency, tulad ng pagliligpit ng mahahalagang gamit at pag-akyat ng mga ito sa mataas na lugar, lalo na sa mga pamilyang nakatira sa mga lugar na madalas bahain.
Samantala, pinaalalahanan ang publiko na regular na subaybayan ang mga opisyal na abiso ng Naga City Government, CDRRMO, at DOST-PAGASA, at umasa lamang sa impormasyon mula sa mga kinikilalang awtoridad at eksperto sa panahon upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan








