Nananatiling taglay ni Bagyong Henry ang lakas nito habang patuloy na kumikilos pakanluran sa West Philippine Sea. Huling namataan ang sentro nito sa layong 240 kilometro sa kanluran ng Abucay, Bataan.
May taglay itong maximum sustained winds na 45 kilometro kada oras at pagbugso na hanggang 55 kilometro kada oras.
Patuloy na nakataas ang Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Luzon, kung saan inaasahan ang minimal hanggang minor na epekto ng malalakas na hangin. Samantala, ang habagat na pinalalakas ng bagyo ay magdadala ng malalakas na bugso ng hangin sa Batanes, Cagayan, Ilocos Norte, Pangasinan, Zambales, Bataan, Metro Manila, CALABARZON, at MIMAROPA.
Nagbabala rin ang mga awtoridad sa mga mangingisda at operator ng maliliit na sasakyang pandagat na pansamantalang umiwas sa paglalayag dahil sa katamtamang taas ng alon na maaaring umabot sa 2.5 metro sa ilang baybayin.
Ayon sa forecast, inaasahang lalakas pa si Bagyong Henry at posibleng maging isang tropical storm pagsapit ng Hulyo 2. Posible rin itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong gabi o sa madaling-araw ng bukas.
Patuloy namang pinapayuhan ang publiko na manatiling mapagmatyag, sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan at ng mga kinauukulang ahensya, at magsagawa ng mga kinakailangang pag-iingat upang mapangalagaan ang buhay at ari-arian.













