Itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang estado ng Bagyong Kiyapo bilang isang tropical storm matapos itong lumakas habang patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Hulyo 24.
Batay sa weather bulletin ng PAGASA na inilabas alas-3:00 ng madaling araw, huling namataan ang sentro ng Tropical Storm Kiyapo sa layong 355 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan.
Taglay ng bagyo ang pinakamalakas na hanging 65 kilometro kada oras malapit sa gitna, pagbugsong umaabot sa 80 kilometro kada oras, at kumikilos pakanlurang hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Bukod sa bagyo, patuloy ring pinalalakas ng Habagat ang pag-ulan sa ilang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.
Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa malakas hanggang matinding pag-ulan, habang nananatili rin ang banta ng malalakas na hangin sa mga apektadong lugar.
Ayon sa forecast track ng ahensya, inaasahang magla-landfall ang Tropical Storm Kiyapo sa Babuyan Islands ngayong tanghali bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) mamayang gabi.
Samantala, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:
- Batanes
- Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands
- Isabela
- Nueva Vizcaya
- Quirino
- Apayao
- Abra
- Kalinga
- Mountain Province
- Ifugao
- Benguet
- Ilocos Norte
- Ilocos Sur
- La Union
- Hilaga at gitnang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, at Dipaculao)
Magiging maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog naman sa Metro Manila, CALABARZON, natitirang bahagi ng Central Luzon, MIMAROPA, at Pangasinan, kung saan posible rin ang pagbaha at landslide bunsod ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.








