Magbibigay ng libreng watch party ang Department of Tourism (DOT) bilang pakikiisa sa makasaysayang pagtatanghal ng SB19 sa Lollapalooza Chicago, kung saan magiging kauna-unahang Filipino group ang P-pop sensation na magpe-perform sa prestihiyosong music festival.

Gaganapin ang public viewing sa Hulyo 31 sa Rizal Park Open Air Auditorium sa Maynila. Magsisimula ang programa alas-1:30 ng madaling araw sa pamamagitan ng listening party at iba pang pre-show activities, bago ang livestream ng performance ng grupo na nakatakdang magsimula alas-4 ng umaga.

Bagama’t libre ang pagpasok, kinakailangan munang magparehistro online ang mga nais dumalo sa nasabing watch party.

Ang aktibidad ay bahagi ng suporta ng DOT sa SB19 matapos itong italaga bilang Tourism Ambassadors ng ahensiya, na layong isulong ang turismo ng Pilipinas sa pamamagitan ng musika at kulturang Pilipino.

Advertisement

Bukod sa kanilang inaabangang debut sa Lollapalooza Chicago, may nakatakda ring iba pang international engagements ang grupo, kabilang ang pagtatanghal sa Grammy Museum Global Spin Live at ang ceremonial first pitch sa laro ng Chicago White Sox at New York Yankees.

Para sa mga hindi makakadalo sa watch party, maaari ring mapanood ang performance ng SB19 sa pamamagitan ng livestream sa streaming platform.

Matapos ang kanilang mga aktibidad sa Estados Unidos, tutungo naman ang SB19 sa Japan para sa Summer Sonic Festival sa Agosto, bago bumiyahe sa Texas para sa KPOPWORLD Festival sa Oktubre.

Advertisement